May Bagong Trabaho si Mr. Go
Isang orihinal na akda ni Francis Rubio
Tumayo si Elias mula sa kaniyang mesa habang inaayos ang papeles niya sa kaniyang brown envelope na nasa loob ng clear na plastic envelope. Isa itong malaking araw para sa kaniya. Dumungaw siya sa labas ng kaniyang bintana, sinipat-sipat ang mga kapitbahay niyang mga Lourdes, Marites, at Baby. Kailangan nila itong makita. Sila ang mga paparazzi, ang mga tabloid, ang mga Cristy Fermin at Jobert Sucaldito ng DM Compound. Pulang kurbata, puting long-sleeves, itim na slacks, at makintab na sapatos—handa na siyang matanggap sa trabaho, at marapat lamang na pag-usapan siya ng mga tao.
Mahaba ang pila sa LRT. Pero ayos lang, naisip ni Elias. May tatlong oras pa bago ang iskedyul ng interbyu. Aabot ako.
Sa Gil Puyat lang po,
sabi ni Elias sa kahera.
Habang dumudukot siya ng kunot-kunot na bente at singkwenta, kumislap ang balintataw niya’t nasilayan ang araw-araw na biyaheng bubunuin niya oras na mabigyan siya ng trabaho sa siyudad ng kagubatang bato.
Ate, 'di ba meron 'yung nilo-load-an lang na card? Magkano po 'yun?
tanong niya sa kahera.
Beep card 'yun sir. 100 pesos po yun,
sagot nito.
Sige po, 'yun na lang.
Sa entrance ay pilit niyang ipinasok ang asul na kard sa slot.
Kuya, 'di po 'yan diyan,
sabi ng isang estudyante. Ita-tap n’yo lang po doon sa bilog.
Tap? Pa’nong tap?
Patong n’yo lang 'yung Beep sa bilog.
Umilaw nang berde ang screen nito at nakapasok siya. Ilang taon na rin mula nang huli niyang pinangarap na makasakay sa LRT, at 'yun pa ang unang beses niya. Iba talaga kapag asensado, naisip niya.
Pagbaba sa Gil Puyat ay ipinasya niyang lakarin mula sa istasyon ng LRT hanggang sa opisinang papasukan n’ya. May isa’t kalahating oras pa naman ako, naisip niya. Mas magandang maging pamilyar ako sa lugar na 'to. Binagtas niya ang kahabaan ng Buendia, at pagkatapos ay lumiko papunta sa Ayala. Bumaba siya sa mga underpass at namangha sa mga larawang kapuwa ipininta at idinidispley ng digital screens. Para siyang probinsyanong isinilang sa malayong isla na ngayo’y inilakbay patungo sa Encantadia.
Pag-usbong niya mula sa underpass patungo sa Ayala Triangle ay nilakad niya nang tuloy-tuloy hanggang sa Paseo de Roxas at ipinagtanong-tanong kung nasaan ang tinatawag nilang Zuellig Building.
Iyan na 'yon sir oh,
sagot ng isang construction worker, sabay turo sa isang gusaling kakulay ng uling na sinunog. Ang disenyo ng gusali ay gaya ng mga alon ng kris na espada.
Pumasok siya sa pa-carousel na pintuan, at maingat na tinutukan ang entrance nang huwag siyang mapahiyâ na bumalik sa labas ng gusali dahil di siya marunong gumamit. Dahil walang dalang bag, itinanong pa niya kung dapat niya pang ilagay sa x-ray ng bagahe ang dala-dala niyang envelope. Natawa pa ang isang guwardiya habang humihindi.
Saan po rito 'yung WebX Systems International?
tanong ni Elias sa guwardiya pagkatapos nitong makalagpas sa metal detector.
Punta ka do’n sa lobby. Tanong mo sa attendant doon, 'tapos magbigay ka ng ID.
Halatang walang kakarampot na paggalang ang sikyò kay Elias dahil bukod sa bata eh hindi bumagay sa
kaniya ang suot niyang pampropesyunal. Siguro talagang babaguhin ng pamumuhay mo ang magiging hitsura mo, at ramdam ng mundo kung di ka bagay sa kinaroroonan mo—o sa kasong ito, sa suot mo.
Sumakay si Elias sa elevator. Kinailangan niyang maghintay ng kasabay dahil sa stereotypical na takot niyang baka mag-malfunction ang elevator at maiwan siya sa loob nang walang signal, dala na rin siguro ng paulit-ulit na plot point sa mga pinanonood niyang TV drama kapag hapon. Dapat kasi ibinalik na lang nila 'yung mga animé, naisip niya.
Iniakyat siya ng elevator sa 22nd floor. Kumakabog ang dibdib niya nang lumabas siya sa elevator dahil sa 19th floor pa lang ay nagbabaan na ang mga kasama niya, mga magkakabarkada palang nag-apply sa iisang kompanya para sa iisang trabaho. Walang patutunguhan dahil tiyak nang sila-sila rin ang maglalaban-laban; at dahil isa lang ang mapipilî, lahat sa kanila maliban sa isa ang uuwing luhaan. Mabuti, wala akong kaibigan.
Habang nilalakad ang tahimik na pasilyo, inensayo ni Elias ang kaniyang ingles. Kapapanood ng mga piniratang TV serye mula sa US ay nagaya na rin niya ang estilo at accent nila kapag nagsasalita. Sa kabila ng kaniyang pagkatao, maipagmamalaki niyang siya ang pinakamagaling mag-ingles sa kanilang magkakakapit-bahay. Sa saliw ng tunog ng matigas na takong ng kaniyang sapatos na tila nagsisilbing beat ng isang rap, maririnig siyang bumubulong.
Yes, sir. I have worked for various companies.
I am persevering, and I am not easily frustrated.
My best asset is that I learn faster than most people. You may give me a specific job description now, but you can use me however you may want.
This school you put in your résumé, I don’t think I’ve heard about this before,
sabi sa kaniya ng branch manager na nag-i-interview kasama ng HR personnel. Halos balutin siya ng hiyâ
yamang nasa ikatlong upuan siya sa hilera ng limang aplikanteng sabay-sabay na iniinterbyu, dalawa ay mula sa Ateneo, ang isa ay galing sa La Salle, at ang isa pa ay graduate ng PUP.
Yes sir, it’s a lesser known school,
sagot niya.
It has only been established recently, but I believed in their mission to change their students’ lives so I signed up there. I took up Computer Science, and finished it in four years.
Anong school ba ilalagay dito, 'toy?
tanong ng matandang nakakilala ni Elias sa Recto.
Ikaw na bahala, kuya. Basta 'yung tunog propesyunal, 'yun bang parang hindi nanghuhula ng grade ang mga teacher. Pero 'wag 'yung tunog mamahalin, mahirap sabihing iskolar ako kaya ako
nakabayad ng matrikula, baka tanungin pa ako ng math no’ng mga 'yon.
So, Mr. Go. What are your qualifications?
Ngumiti si Elias.
I have an award in public speaking, sir. As a matter of fact, I got a four-year winning streak in our school’s annual public speaking competition. And I was able to raise around 1,400
pesos weekly for a charity for the poor while speaking for their month-long event.
Interesting,
sagot ng branch manager. Aside from that, your résumé states that you are highly skilled in many specialized areas. Can you give us examples?
Yes, sir. I once worked as a part-time actor…
Nangiti ang HR personnel. Bagama’t mukhang mahirap, papasáng aktor sa teatro si Elias.
I also worked as an accounts manager for a sole proprietor…
Napatango ang branch manager.
And lastly, I also once worked managing customers and their purchases for a multi-million dollar international company…
Hmm, okay. You’re an interesting person Mr. Go,
sabi ng branch manager.
Pinalabas silang lima mula sa conference room at pinaghintay sa mga upuan sa waiting room. Nakakarpet ang sahig ng waiting room kaya pasimple pang sinilip ni Elias ang talampakan ng sapatos niyang gomang pinakintab niya gamit ang grasa at dumodoble rin bilang bota kapag tag-ulan. Baka raw nakatapak siya ng jackpot, eh nakakahiya at hindi na siya matatanggap.
Nanatiling nakaupo si Elias. Humihinga nang malalim hanggang sa sumakit na ang ilong niya dahil sa lamig ng hangin sa loob ng de-aircon na kuwarto. Pagkatapos ng kalahating oras, nagsimula nang tawagin silang lahat isa-isa. Nauna ang dalawang galing sa Ateneo. Sunod na tinawag ang isa na galing sa La Salle. At panghuli ang galing sa PUP. Bakit kaya ako ang huli? Dahil ba ako lang ang matatanggap, o dahil ako lang ang tatanggalin? Dahil sa mahabang paghihintay ay walang nagawa kundi sariwain ni Elias ang buo niyang buhay. Kung sa bagay, hindi siya kailanman nagkaroon ng oras para maupong tahimik at mag-isip.
Limang taon bago nito, dahil wala nang mga magulang ay mag-isang itinaguyod ni Elias ang kaniyang sarili. Naglilibot siya mula sa Grace Park hanggang 3rd avenue para maglako ng ice candy.
Kumikita siya nang di-bababa sa 200 pesos bawat araw. Minsang tanungin siya kung bakit siya nagsisipag, pabirò niyang isinagot,
para po ito sa charity na tumutulong sa mahihirap. Eh mahirap ako, kaya tinutulungan ko silang tulungan ako.
Tatlo at kalahating taon bago nito, naging tambay si Elias sa Monumento. Nakaabang siya sa mga baklang parokyanong naghahanap ng mga mas adventurous na mga call boy na handang makipaglaro ng apoy. At 'di basta-bastang larong apoy. Natutuwa sila sa mga larong apoy na may kadena, lubid, latigo, at mga katulad nito. Iyon bang pinipilit silang makipaglaro, pagkatapos ay pupuwersahin sila at kunwari’y gagahasain kahit ang totoo ay iyon ang binabayaran nila. Hindi ako bakla, ang laging sabi ni Elias sa sarili. Isa lang akong magaling na aktor.
Noong 2016 elections ay naatasan siyang maghanap ng mga botanteng magpapabayad para iboto ang isang lalaking pulitikong may dalawang anak. Ang kantiyaw pa sa kanya eh Manager Go. Panay-panay ang kumbinsi niya sa mga tao.
Tanggapin n’yo na lang kahit 'wag n’yo na iboto. Ang mahalaga eh nakalista at may limandaan kayo.
Nagtrabaho din siya bilang service crew sa McDonald’s. 'Di ko love 'to ang lagi niyang motto. Ito siguro ang trabahong nagtulak sa kaniya na umasam ng mas magandang trabaho… kahit siguro kailanganin niyang lumihis nang kaunti.
Ikaw na,
sabi sa kaniya ng aplikanteng galing sa PUP habang papalabas ito sa conference room. Nakasimangot siya. Si Elias, sa kabilang banda, ay may blangkong mukha. Pero pawisan ang
noo nito kahit sa aircon pa ito nakatapat kanina.
Mr. Go, I am quite impressed by your experience,
sabi sa kaniya ng branch manager.
However,
pagpapatuloy nito,
I don’t think the initial proposed salary for you is enough. So from a starting salary of 18,000, we want to let you know that we are bumping our offer to 25,000 as your starting salary,
with an annual increase depending on your performance. How does that sound to you?
It’s a good offer,
sagot ni Elias, pilit tinatago ang ngiti.
Okay, you start next week,
sabi ng HR personnel, pero can you return bukas for the contract signing and orientation?
Lumabas si Elias sa Zuellig Building. Pulang kurbata, puting long-sleeves, itim na slacks, makintab na sapatos—handa na siyang umalis, talikuran ang nakaraan, at maging isang bagong tao