Mahal ang Maging Moral
Kapag lumaki kang mahirap, kahit walang magsabi, maiintindihan mo na may presyo ang moralidad. May presyo itong abot-kaya ng middle class at mas matataas pa, pero hindi ng mga nasa ibaba ng poverty line. Sa hirarkiyang binuo ni Henry Maslow, nasa pinakatuktok ang moralidad, kasama sa tinatawag na self-actualization o 'yong mga pangangailangang masasapatan lang kapag wala ka nang iba pang kakulangan. Pero para sa mga nasa laylayan, pisyolohikal na pangangailangan lang ang kaya nilang sapatan, at hirap pa silang gawin ito.
Sa marami, madaling itaas ang braso at ituro ang daliri sa mga bagay na masama. Sampu ang utos ng Diyos, at madali itong sundin para sa maraming tao. Huwag kang papatay. Huwag kang magnanakaw. Huwag mong iimbutin ang pag-aari ng iyong kapwa. Alam ng marami kung ano ang masama at kung bakit ito masama. Pero sa mga pamayanang mahirap, aso sa aso ang talpakan at tukaan. Walang uod na labis ang dumi, at walang uhog ang labis na kadiri. Siyempre pa, mas malaki ang takot ng mga mahihirap sa Diyos. Kung sa bagay, sa oras ng pangangailangan—na palagi—Diyos lamang ang makakapitan at matitingala nila para sa tulong. hindi nga ba’t nasusulat na mas madali para sa kamelyo na pumasok sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman na makapasok sa langit? Kaya nga may kautusan ang mahirap na kaayon ng batas ng Diyos. At kadalasan din naman itong nasusunod.
Pero sa isang gusaling nilalamon ng nagliliyab na apoy, walang ginhawang mapipili. Bagkus ay dalawang magkaibang banta, kapuwa nagpapaligsahan sa lalᴀ at bilis. Alinman sa piliin mong maging abo o tumalon sa tiyak mong kamatayan, pareho ang wakas. Ganito ang sistema sa mga pamayanang mahirap. Sa aba mo kung kumilos, sa aba mo rin kung hindi. At kadalasan nang natatakpan ng takot na mamatay ang takot sa Diyos. Kaya nga para sa marami, ang Diyos ay pag-ibig sapagkat kaya Niyang umintindi.
Hindi na rin lingid sa kaalaman ng marami na ang solusyon para sa maraming krimen ay pera. Kung may pera ang bawat pamilya, may sapat silang yaman para maging abot-kaya ang bilihin. Hindi nila maiisip man lang ang mangupit o magnakaw. Hindi rin sila titingin sa kakarampot nilang kita at magpapasyang ibili na lang ito ng mga drogang pipigil sa gutom nila at makatitipid sa kanila sa gastos ng pagkain. Bawas din ang pagtakas sa utang, at ang mga pinapatay na nagpapautang.
Malinaw ang sitwasyon, at sa sinumang hindi nakauunawa, ang kailangan lang ay tumingin. Sabi nga ni Gloc-9, subukan n’yo namang tumayo. O gaya ng sabi ko, subukan n’yong yumuko. Kung hindi mo pa danas kailanman ang mag-ipon ng galon at mag-igib sa karatig na poso, o ang mamitas ng gabi sa halamanan ng kapit-bahay para sa kalahati ng kita, o ang matulog nang gutom, o ang matulog nang may mga anak na gutom, o magpunta sa kamag-anak mong bungangera para makahingi ng tulong, yumuko ka. Yumuko ka at dungawin ang mga tao. Silipin ang kinang ng bawat bubog na sumusugat sa kanilang mga puso. Sa sunod na pagtigas ng iyong hintuturo para sisihin ang mga naghihirap para sa bawat TV o smartphone na ninakaw, isipin mo ang ugat ng problema. At isipin mo ang gamot sa sakit na ito ng lipunan. Isipin mong may sapat kang yaman para magkaroon ng moralidad. Isipin mong may kapalit na halaga ng piso ang bawat malinis na konsensya, ang bawat busilak na budhi, may katumbas na padulas ang bawat mapayapang puso at malinis na isip.
Isipin mo lagi na isang kuwarto lang ng ospital ang layo mo sa kahirapan. Dahil baka para sa pagkain ng isang araw, ikaw na rin ang magnanakaw.