Ang Buhay ay Isang Sarsuwela
Sabi nila sining ang buhay. Hindi lang ito maganda, kundi pinagdikit-dikit na tipak ng mga sandaling mapait, matamis, mahirap, puno ng hapis, at pag-ibig.
Pero kung ang buhay ay sining, hindi ito isang rebultong inukit o larawang ipininta. Kapag natapos ang buhay, walang matitirang artikulong maaring isabit sa dingding o ilatag sa isang inilawang sulok ng museo. Kapag natapos ang buhay, walang nagsisimula ng proseso ng pangangalaga, restorasyon, sapagkat bawat bakas ng pag-iral ng isang tao ay unti-unti nang mabubura hanggang sa araw na wala nang nakaaalaala.
Kung ang buhay ay sining, isa itong sayaw. Isa itong sarsuwela. Isa itong dula. Sapagkat hindi ka uupo rito upang masaksihan ang wakas. Hindi ka papasok upang sa paglabas ay mag-uwi ng anuman.
Ang buhay ay isang malaking pagtatanghal. Ang buhay ay alay sa ngayon, hindi sa kahapon o sa bukas. Walang materyales na kukulay sa telang puti, at walang batong pakikinisin sapagkat bawat bagay ay nasa likod ng isang pinilakang tabing.
Sa hudyat ng direktor, huhulog ang telon sa harap ng entablado. Lilisan ang bawat taong naupo. Marami sa kanila ang makatatanda sa kagayakan at kagandahan at kainaman ng palabas, subalit mas marami ang makalilimot. Bawat anunsyo, poster, at patalastas ay pawang tatangtangin sapagkat ano pa ang ipahahayag kung tapos na ang palabas? Kasabay nito ang unti-unting paglimot ng madla sa kahusayan ng iyong sining. Ang buhay ay sa ngayon. At anumang mayroon bago at pagkatapos, pawang walang halaga.
Sapagkat ang buhay ay isang sarsuwela.