Ang Senate Bill No. 79 o Philippine Computer Programming Education Act ay isang panukalang batas mula kay Sen. Koko Pimentel sa 19th Congress. Layunin nito na isama sa kasalukuyang curriculum ang computer programming simula Grade 4. Sa meeting ng Senate Committee on Basic Education noong Agosto 19, 2022, sinabi ng senador:
Ayon sa bill na ito, magiging trabaho ng DepEd ang pakikipag-ugnayan sa mga angkop na partners sa gobyerno, academe, sa industriya ng information technology, at mga NGO para makapagbigay ng training sa mga guro na magtuturo ng computer programming at ng kinakailangang equipment para dito.
Mga problema
Bakit?
Isa sa mga unang kritisismo sa konseptong ito ng pagsasali ng computer programming sa basic education ay Bakit? Hindi naman magiging software develoepr lahat ng estudyante.
Ang mga
pakinabang ng computer programming classes ay kagaya din ng mga pakinabang na makukuha sa TLE. Magiging kapaki-pakinabang ang
pagkakaroon ng kahit basic lang na programming skills kung paanong kapaki-pakinabang din ang pagkakaroon ng kahit basic na skills lang sa pananahi, pagluluto, at iba pa.
Bukod sa halatang benepisyo na puwede itong gawing career ng mga bata at puwede silang kumita nang malaki, hindi lang mga software developer ang makikinabang sa mga skill na makukuha sa computer programming. Itinuturo ng computer programming ang pinakamabisang paraan ng pag-iisip at paglutas ng mga problema. Mahalagang-mahalaga ang problem-solving skills sa lahat ng uri ng trabaho at industriya, at isa ang computer programming sa pinakaepektibong paraan para mahasâ ang kakayahang ito.
Curriculum
Isa sa pinakamalaking problema ay ang curriculum. Dapat nating pansinin na binabanggit ng panukalang batas ang terminong age-appropriate. Ibig sabihin, gaya ng common
sense na nating maiisip, hindi tuturuan ng C++ o Java ang mga estudyante sa elementarya. Puwede silang magsimula sa pseudocode, o paglaruin ng mga games na nagtuturo ng mga konseptong gaya
ng algorithms, if-else statements, at mga loop. Hindi sobrang bata
ang mga grade 4 student, na target ng bill na ito, para turuan ng mga konsepto ng problem solving. Sa katunayan,
may rekomendasyon ang code.org kung paano ituturo ang computer programming sa kanila. Hindi ito magiging ganoon kahirap para sa
DepEd na gumawa ng syllabus para sa bagong subject na ito, lalo na kung makikipag-ugnayan sila sa mga angkop na partners sa academe at sa
industriya ng IT.
Pero gusto ko lang ding itawag-pansin ang problemang nararanasan na ngayon sa mga school na nagtuturo ng computer programming. Laging nagbabago ang mga programming language. Ang CSS, ang programming language na ginagamit para i-style ang mga website, ay may hindi bababa sa siyam (9) na bagong features na paparating ngayong taon, bukod pa sa mga lalabas sa susunod na taon. Katulad nito, ang Java, isa sa pinaka popular na programming language sa industriya ngayon, ay may hindi bababa sa pitong (7) bagong features na lumabas o inaasahang lalabas ngayong taon. At dalawa lang ito sa napakaraming programming languages na ginagamit ngayon.
Totoo, hindi naman ituturo ang lahat ng programming languages sa mga estudyante. Pero kung pipili ang DepEd ng ituturong language, kailangang
maging handa sila na maglabas ng rebisyon sa mga learning material at batayang aklat kada taon. Malaking gastos ito, pero kinakailangan. Noong nagtuturo ako ng web development sa
mga estudyanteng grade 9, hindi ko ginagamit ang mga textbook na ipinahiram sa akin ng paaralan. Kahit kasi 2017 o 2018 edition ang mga aklat, napaka-outdated ng nilalaman ng mga iyon. Sa
taong 2019, itinuturo pa rin ng mga aklat na iyon ang HTML <font>
, <center>
, at <marquee>
tags na sa totoo lang ay wala na dapat
gumagamit ngayon. Kung outdated din ang ituturo ng mga materyales na gagamitin sa mga klase, hindi rin magigiging sulit ang mga klaseng ito.
Mga guro
Bilang isang dating teacher ng computer programming sa grade school at high school, saksi ako sa kung gaano kahirap maghanap ng mga guro ng computer programming. Sino nga ba naman kasi ang magtitiis sa maliit na sahod na kinikita ng mga guro kung kaya nilang kumita nang hanggang ₱100,00 kada buwan sa corporate? Hindi rin natatapos sa huli mong klase ang trabaho mo bilang guro. Pag-uwi mo galing sa paaralan, kailangan mo pang asikasuhin ang evaluation ng mga estudyante pati na ang sandamakmak na papeles, bukod pa sa paghahanda para sa susunod mong mga klase.
Bukod pa rito, talaga bang maaasahan nating maituturo ng mga kasalukuyang guro ang computer programming nang tama? Marami sa mga guro natin ang walang skill sa paggamit ng computer. At higit sa lahat, sa maraming kaso, hindi pa sapat ang apat na taon sa pagkuha ng degree sa IT o Computer Science para maging epektibong programmer. Sapat kaya ang ilang buwan lang na training sa mga guro para ituro ang computer programming? At sapat din kaya ang matatanggap nilang pasahod kung kailangan nilang mag-upskill kada taon kapag nirerebisa ang mga learning material at textbooks na gamit nila? Dahil laging nagbabago ang teknolohiya, kailangan nilang sumabay kung gusto nilang maituro nang tama ang klaseng ito.
Mga equipment
Kung magtuturo ka ng computer programming, siyempre dapat may maipapagamit na computers sa lahat ng mga mag-aaràl. Totoo, baka hindi pa kailangan ito para sa mga mas maaagang bahagi ng topic, dahil gaya ng rekomendasyon ng code.org, puwedeng ituro ang mga pangunang konsepto ng programming gamit lang ang papel at panulat, o mga group activities. Pero kung target ng bill na ito na magkaroon ng interes ang mga estudyante sa programming, hindi uubra ang 4:1 o higit pang ratio ng estudyante sa mga computer, na nagkukumpulan ang apat o higit pang mga bata sa iisang computer at halos mag-agawan na kung sino ang magta-type sa keyboard at gagalaw ng mouse. Hindi mapupukaw ang interes ng bata sa pagpo-program kung hindi man lamang ito makakahawak ng computer. Hangga’t maaari, dapat ay limitado sa 1:1, or at least 2:1, ang ratio ng bata sa computer para maranasan ng lahat na isulat ang code para sa naiisip nilang program at makita ito na gumagana.
Sa maraming paaralan, hindi na nagagamit ang mga computer dahil hindi naman gumagana. Kaya bukod sa initial na gastos ng pagbili ng mga equipment, kailangan ding gastusan ang pagkukumpuni sa mga ito. At batay din sa naging karanasan ko noong nagtuturo ako, hindi maiiwasan, lalo na sa mga mas batang mga mag-aaral, na masira ang mga gamit dahil sa malilikot at makukulit na bata. Kaya hindi lang kada quarter, buwan, o taon ang kakailanganing mga repair; kung minsan, kakailanganin itong gawin kada linggo o kada araw pa nga.
Dapat bang ituloy?
Bilang creator ng Antares Programming at dating guro ng computer programming, pangarap kong maisama sa basic skills ang computer programming. Kaya naniniwala akong dapat itong ituloy. Gusto ko itong matuloy. Excited ako na matuloy ito.
Pero kung ako ang tatanungin, hindi pa tayo handa. Nagre-recover pa sa pandemya ang mga guro, estudyante, at ang buong sistema natin ng edukasyon. Ayaw ko itong madaliin. Kailangan muna itong aralin nang mabuti. Kailangang sangguniin ang mga lider sa industriya at akademiya para kapag naipatupad na ito, hindi na kailangan ng maraming atras-abante at trial-and-error na estilo ng testing.
Tiwala ako na kaya itong magawa nang epektibo. Marami tayong mga magagaling na professional software developers, organizations, at mga kompanya na makakatulong sa pag-implement nito. Ang kailangan lang ay pag-isipan at pag-aralan itong mabuti at huwag madaliin.