Decorum Para Sa Mga Squammy, Jejemon, Geng geng, at Palamunin ng 4Ps

Elitismo, mga middle-class, at ang mga mahihirap sa panahon ng protesta

I am in a weird place. And I don’t just say that dahil gusto kong magpapansin. I really am a mishmash of stuff. Galing ako sa isang Bisayang pamilya, pero hindi ko tahasang matawag ang sarili ko na Bisaya because it’s been so long since I’d been able to speak the language fluently. Mas kino-consider ko ang sarili ko na Tagalog. And yet doing so feels like a betrayal of my heritage, and I haven’t really found a way to reconcile things in that regard.

Laki rin ako sa hirap. Laki ako sa DM Compound sa Caloocan City, isa sa mga vote-rich communities ng lungsod, at hindi lang vote-rich dahil maraming tao—vote-rich dahil maraming mahihirap na madaling bilhin ang boto. Naranasan kong mag-chinese garter nang nakayapak, magkalakal ng tanso at diyaryo, magtinda ng ice candy, mangalkal ng kanal para sa mga nahulog na barya, at mag-ulam ng Kiss na chichirya dahil wala na kaming makain. But I like to think na isa akong edukado; tapós ng pag-aaral eh. Natuto akong makihalubilo sa mga taong may pera sa lahat ng level ng pagka-middle class. Kumbaga, matatawag mong may breeding, may decorum, and to a certain extent, may class. Kung sa salita pa ni Toni Fowler, ang tawag do’n pakikisama. Ngayon, nagtatrabaho na ako at kumikita. Naka-aircon na ako at may sariling tinutuluyan kahit pa renta lang. Wala na rin akong contact sa mga dati kong kalaro dahil ang mga kaibigan ko na ngayon, puro mga nasa Makati at BGC ang trabaho. Kung tatanungin ang mga kapitbahay namin, ako 'yung matatawag mong asensado, nakalabas na sa iskwater.1

Dahil umaasenso ang buhay ko paunti-unti at nabibiyayaan ako ng pagkakataong magkaroon ng mas magandang buhay, may batbat at panunumbat madalas ang konsensiya. Parang sa bawat baitang na akyatin ko, may iniiwan ako’t binibitawang hindi dapat. Kaya mahalagang-mahalaga sa akin ang politika, kahit ngayon na hindi na ako ang pinakaapektado ng mga masasamang resulta nito. Lalo ngayon na hindi na ako ang pinakaapektado. Ito rin ang dahilan kung bakit ako sumama sa Trillion Peso March kahapon. Sa totoo lang, personally ha, iyong totoo: na-burn na ako noong natalo si Leni as president. Kalahati ng utak ko, hindi na naniniwalang may pag-asa pa ang Pilipinas. Pero iyong kilos-protesta kahapon, nabuhayan ako ng loob, kahit kaunti. Marami pa pala sa atin ang gising at may pakialam. Hindi pa pala tapos ang laban. So hayun, sumama ako sa rally, at umuwi noong nagsimula nang dumilim. Pagdating sa apartment, bagsak ang katawan ng bading kaya natulog muna.

Nag-iba ang kuwento paggising ko bandang alas-diyes ng gabi. Nagka-riot daw sa Mendiola at sa Recto. Nalito ako; ano’ng nangyayari? Akala ko payapa? Pagkatapos iba-ibang kuwento na ang lumabas. Mga pasaway lang daw na hindi kasama sa rally na biglang nanggulo. May kuwento pa na hindi naman daw magkakagulo kung hindi naunang nagpaputok ang mga pulis. My knee-jerk reaction was to go on Twitter (I’m sorry, my Mastodon friends, ako’y tao lamang 😂) and check kung ano ang sinasabi ng mga tao. You can probably look up exactly what happened; at this point I’m not exactly sure din dahil isang araw pa lang after ng riots.

Pero nag-post ako sa Mastodon kanina:

Kapag may gulo talaga sa Pilipinas, sobrang pronounced ng linya between mahirap at mayaman eh no?

Yung nag-rally nang payapa kahapon sa EDSA ang mga high at middle class na may decorum at breeding, at yung mga na-involve sa riot sa Mendiola at Recto naman ang mga "geng-geng," "jejemon," "squatter," at "palamunin ng 4Ps."

Something something Jose Rizal "pen is mightier than the sword," nakapag-aral sa Spain, lumaban nang payapa vs Andres Bonifacio laki sa hirap puro karahasan ang alam...

To clarify pala, hindi ito about sa naggrupo-grupo yung mga rallyista based sa income bracket lol I mean lang na may mga bumoboses kasi na kaya nagkagulo sa Mendiola kasi mga mahihirap yung nandun sa lugar, at kaya payapa yung sa EDSA kasi mga middle to high class ang nandun at may breeding kineme moralidad chenes whatever. Hindi naman ganun yun, ang elitista lang ng take hahahaha

Francis Rubio on masto.ai

Kasi totoo naman talaga. Napakabilis ng labels at branding. Lahat ’ika nila ng nanggulo at nag-riot, mga iskwater daw. Mga tambay. Hahayaan ko ang photojournalist na si Ezra Acayan ang magsabi kung ano pa ang itinatawag ng mga elitista sa mga gumamit ng dahas:

"Geng geng"
"Squammy"
"Tambay"
"Salot"
"Palamunin"
"Tolonges"
"Adik"

These are just some of the words being thrown around to describe the protesters in Mendiola, by people who weren’t even there yesterday. But I was there. Amid the chaos and running, the tear gas and smoke, I managed to speak with a dozen of them. They weren’t part of any groups — they were just ordinary Filipinos: teens, students, teachers, workers — angry and fed up with the government.

Ezra Acayan, Filipino photographer, two-time World Press Photo awardee, and Pulitzer Prize finalist. Via Instagram.

At sa pananalita ng Duterte-wannabe hilaw na mayor ng Maynila Isko Moreno, sila daw ay mga utak-adik:

Video of Isko Moreno calling the Manila rioters utak-adik. Via ABS-CBN News

Para sa akin, masakit. Pero kilala ko ang modus na ganito. Ang mayayaman ’ika ay may breeding, may class, may decorum. Ang mga mahihirap ay bastos, walang modo, walang moralidad, kadiri. Kaya kapag may gulo, ang bilis magbato ng mga labels. Ang lungkot pa na galing itong mga labels na ito sa mismong mga nakasama ko sa hanay ng mga nagpoprotesta kahapon sa EDSA. Ang layunin nga raw ng protesta ay payapang rebolusyon, bagay na sang-ayon naman din ako dahil baka mapatay ako ng tita ko kung sumali ako kung nagka-riot. Pero limot agad nila na ang mga taong tinatawag nilang squammy ang mismong mga taong kanilang ipinaglalaban.

Lumulutang agad ang pagiging elitista kapag napapaharap sa gulo. Ang bilis naman nating mga middle class magturô. Ang bilis naman nating manisi. Ang bilis nating i-exclude ang mga sarili natin sa mga mas mahihirap ang buhay sa atin kapag may kaunting kagipitan. Takot ba tayong madamay sa gulo, o mas takot tayong makilalang kasinghirap ng mga taong ito? Virtue signalling lang ba ang naging pagpunta natin sa rally kahapon? Pang-post sa Instagram Stories kayâ? Parang may mali, ano?

Although valid at gets ko, hindi naman yata nakakabawas sa pagiging epektibo ng ating pakikibaka kung may ibang grupo ng mga tao na iba ang paraan ng pagpapahayag ng galit sa katiwalian ng gobyerno. Totoo, gusto natin ng payapang kilos-protesta. Pero kaya lang naman natin gusto ng payapa kasi afford natin ang payapa. Afford natin ang magbihis ng puti o itim at mag-Grab o Angkas papunta sa EDSA. Afford nating mag-chant-chant sa lansangan at dumagdag sa headcount ng kilusan. At lahat ng ito ay valid na anyo ng protesta, at kung titingin tayo sa kasaysayan, epektibo rin ang mga ito.

Pero marami tayong kababayan na hindi afford ang payapa. Marami tayong kababayang dinahas sa maraming iba’t ibang paraan: namatayan ng kapamilya dahil sa leptospirosis mula sa paglusong sa baha; namatayan ng pangarap dahil hindi kayang makapagtapos ng pag-aaral; namatayan ng hanapbuhay dahil kinumpiska ng lokal na pamahalaan ang itinitinda sa kalye sa halip na bigyan sila ng maayos na lugar kung saan sila puwedeng magtinda; namatayan ng pag-asang makamtan ang hustisya para sa mga anak nilang pinaslang dahil napagkamalang túlak ng droga kahit walang ebidensya. Kaya mo bang harapin ang kahit isa lang sa kanila, at habang diretso ang tingin sa mata ay sabihing “hindi n’yo naman kailangang gumamit ng dahas”?

Gaya nga ng sabi ko sa intro, I am in a weird-feeling place. Nasa transition ako ng maraming estado sa buhay. Papaakyat ako sa middle class, pero hindi ko maalis ang pagkaiskwater sa pagkatao ko. Alam ko ang feeling ng makisalamuha sa matapobre, sa nangmamata, sa mga taong alam mong ikaw ang unang pagbibintangan ng pagnanakaw kapag may gamit na nawala. Mahirap i-articulate sa salita; kailangan mong danasin para maintindihan mo nang buo. Ang term na bagay ata ay microagression. At based naman sa mga nangyari kahapon at kung paano nag-react ang mga tao, pamilyar na pamilyar ang pakiramdam.

Kaya rin sobrang importante sa aking bantayan hindi lang kung paano natin labanan ang mga naniniil sa atin at naghahari-harian, kundi pati na rin kung paano natin tratuhin ang mga mas mabababa sa atin ang antas ng buhay. Kung payapa man o marahas ang method natin ng pagpoprotesta, que civil disobedience pa yan or whatever, iisa lang naman din ang pinaglalaban natin. Sana sa paglaban natin sa kurakot, alagaan din natin ang dignidad ng mga kasama nating yurak na yurak na ang pagkatao mula sa gobyerno at pati na rin dahil sa kung paano natin sila tratuhin mismo.

Send a shoutout!

Did you post a response to this in your own website? Send me a webmention!

Don't have a website? Send a response via commentpara.de ! Copy and paste the URL of this webpage, and paste it on there along with your response. Comments can be anonymous, too!

You on the Fediverse yet?

If you have a Fediverse account, you can also send me a shoutout by commenting on this post:

Comments from the Fediverse

dyownie@mstdn.social Joan

@teacherbuknoy Bilang strong kakampink nung eleksyon 2022, ramdam ko yung pagkawala ng energy at point. May PTSD pa nga rin siguro ako. Ang dami kong binuhos na oras nun.

Salamat sa pagbahagi nito.