
About my uncle's death, it came as a shock to us all. Although he has retired from his profession, it is not inaccurate to say that his death is untimely. His passing is a great loss to all of us. My sympathies go to his family.

Galing ako sa mahirap na pamilya, kaya madali para sa aking sabihin na binuo ko ang sarili ko mula sa wala. Wala ring masyadong aalma riyan. Pero maling-maling sabihin na lahat ng mayroon ako ay galing din sa akin. Ang totoo, talagang kailangan natin ang komunidad. Sa likod ng bawat taong matagumpay ay isang grupo ng mga sumusuporta, kung bagá’y isang safety net na masasandalan mo sa oras ng pangangailangan, o lalo na kung may krisis.
Hindi malaki ang support network ko. Pero sa gitna nito ay ang tito ko, si JCINSP Patrick C. Rubio (Ret.). Hindi kami masyadong close, pero sa panaka-naka naming pagkikita, malinaw na isa siyang taong maka-Diyos, kapuwa sa espiritu at laman. Siya ang paumanhing ipinadala ng Diyos para sa mga pinagkaitan ng kapalaran at kabutihang-loob.
Para sa isang batang walang mga magulang, naging maayos naman ako. At bagama’t karamihan dito ay dahil sa tita ko, ang tito Patrick ko ang sumasalo sa mga bahaging kapós. Siya ang naging tatay-tatayán ko. Matalino siya, at kahit hindi kami laging nagkakasundo sa pananampalataya1, iginalang niya ang talinong kinailangan para panindigan ko ang mga paniniwalang mayroon ako noon. Marunong siyang kumilala ng talento, ng kasanayan, at pinakamahalaga sa lahat, gusto niyang lagi siyang may kasama. Siya ay isang taong para sa tao; kung naging Katoliko nga siya, baka siya pa ang naging pangatlong santong Pilipino, sa totoo lang.
Dinadala niya ako dati sa New Bilibid Prison kung saan siya dati nagtatrabaho. Hindi ko alam kung bakit; ayaw ko naman doon. Pero sinubukan niya akong turuang maglaro ng chess, na natutuhan ko naman din pero hindi ako talaga gumaling-galing. Dinala niya ako minsan para matulog sa kanila, tapos binigyan niya ako ng siguro tatlong iba-ibang translation ng Bibliya, siguro para kumbinsihin akong huwag tumuloy sa pagiging Saksi ni Jehova. Pag-uwi ko, pinadalhan niya pa ako ng Bagong Tipan. Wala sa mga iyon ang gumana sa akin, pero pinahalagahan ko ang pagiging mabuti niyang halimbawa ng kung ano talaga ang hitsura ng isang mabuting tao.
Paulit-ulit kaming niligtas ni Tito Patrick sa mga panahon ng pangagailangan. Dahil nga dysfunctional at mahirap ang pamilya namin, kailangan namin ang lahat ng makukuha naming tulong. Binigay niya ang lahat ng maibibigay niyang tulong. Kung iisipin, si Tito Patrick ang dahilan kung bakit ko naipagpatuloy ang pag-aaral ko, at nakapagtapos din ako dahil sa kaniya. Nagbibiro ako dati na scholar ako ng Patrick Rubio Scholarship Grant, dahil totoo naman. Wala naman na ring ibang masasabi bukod sa, oo, binibigyan niya ako ng pera kapag kailangan ko. Pero tingin ko mahalaga’t magandang sabihing, oo, binibigyan niya ako ng pera kapag kailangan ko.
Sa mga pinagdadaanan ko ngayon sa 20s ko, at bilang isang queer at cisgender na lalaking lumaking walang magulang, patuloy kong nakikita si Tito Patrick bilang mabuting halimbawa ng uri ng lalaking pinlano ng Diyos kung paano maging lalaki. Hirap pa rin akong intindihin ang mga bahaging babae at lalaki sa pagkatao ko, pero isa pa rin ang tito ko sa mga tinitingnan ko para sa inspirasyon. Naging parang encyclopedia na sa akin ang buhay niya. At tingin ko hindi iyon mababago nang matagal.
Nakakagulat ang kamatayan niya. Totoo, retired na siya sa propesyon niya, pero maaga pa rin siyang nawala sa amin. Malaking kawalan si Tito Patrick sa kaniyang pamilya, mga kaanak, dating katrabaho, at sa komunidad. Nakikiramay ako sa kanyang pamilya.