Unang punta ko sa Baguio, kasama ko mga kaibigan kong nakilala ko online. ‘Ka ko sa sarili ko, espesyal ang lugar na ito; babalik ako. The next year, 2025, bumalik ako sa Baguio. Regalo ko sa birthday ko. Ako lang mag-isa, para lang masubukan ang kalayaan at tingnan kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Awa ng Diyos naman, hindi sa kangkungan. Pero panganay ako, at hindi ko maiwasang maisip sa bawat araw ng bakasyong iyon na sana kasama ko ang pamilya ko.

Kaya ngayong taon, bumalik ako kasama ang pamilya ko. Kahit pa sabihing tumapat ng petsa de peligro at may pangambang baka hindi na makauwi dahil mauubusan ng budget at pamasahe, inilaban ko. Regalo ko naman ito para sa batang ako na sa murang edad ay nangarap na balang araw ay kikita siya nang sapat para madala ang mga mahal niya sa isang bakasyon.

Hindi naman na lingid sa kaalaman ng marami kong mga kaibigan, kapanalig, kalaban, at katrabaho kung gaano kakulay ang naging buhay ko. Gamit ang kuwento ko bilang kapital, hinawi ko ang pinilakang tabing at sumayaw sa teatro ng awa’t habag nang umani ng puri at parangal sa anyong berbal at pinansiyal mula sa mga mabuti ang puso at sa mga nagbabait-baitan, na siya namang inuuwi ko sa aking gutom na mga kapatid at tumatanda nang tiya.

Dalawampu’t pitong taong gulang na ako. Aaminin ko, wala akong alam sa buhay ng isang beinte-syete anyos. Hanggang 25 lang ang pinlano ko. Alin sa akala ko magra-rapture na, magkakagiyera, o matetegi ko ang sarili ko bago magtapos ng college –anoman ang dahilan, wala akong planong tumanda nang ganito. May mga pangarap akong magawa sa buhay ko, pero lahat nang iyon ay nasa ilalim ng akalang wala nang buhay paglampas ng beinte-singko.

Ano ang magiging sa isang mag-aaral kapag natapos na ang kaniyang pagsusulit? Ano ang magiging sa isang mandaragat kapag narating na niya ang daungan at dalampasigan? Ano ang magiging sa isang hari kapag naigapos na niya ang bawat nayon at lungsod? At ano ang magiging sa isang Francis Rubio kapag dinatnan na ito ng mga taon at buwang maalwan, maliwanag, at maaliwalas? Tunay na kung ang mata ay sanay sa dilim, kulimlim, at abo, bubulagin muna ito ng liwanag, araw, at mga bahaghari bago nito matunghayan ang mga bagong liko sa landas ng kaniyang bagong kabanata. Kung ang kahulugan ng buhay ay nasa pagtitiis, ano na kung wala nang kailangang tiisin?

Mahirap ang buhay kung pang-MMK ang kuwento mo. Pero parang mas mahirap mabuhay kung madali na ang buhay mo. Wala naman kasing sumusulat kay Ma’am Charo tungkol sa kung gaano kasaya ang buhay nila. At walang nanonood sa kuwento ng bidang masaya. Kaya nga may saysay pa bang iere ang palabas kung ang TV ay nakapatay na? At saan makasusumpong ang isa ng pattern na maaaring sundin ng isang taong maligaya na?

Susubukan ko, at babalikan ko kayo. Gagawa ako ng tutorial.

Send a shoutout!

Did you post a response to this in your own website? Send me a webmention!

Don't have a website? Send a response via commentpara.de ! Copy and paste the URL of this webpage, and paste it on there along with your response. Comments can be anonymous, too!