Tagos ng Silahis
Sa handong ng maalipustang hiya, sumisinag ang pagkamalikhain
Ang photoshoot na ito ay kuha ni Vince Estores sa tulong ng Namiko Studios.
Naging panata ko ngayong taon na susubukan kong tamasahin ang buhay ko sa kalubos-lubusan nito. Hindi ito laging madali, lalo na para sa isang queer na gaya ko. Punô ang buhay ko ng kahihiyan. Punô ito ng takot na maging katawa-tawa sa mata ng nakararami. Hindi rin nakatutulong dito ang malaking pagpapahalaga ko para sa pangalan ko at reputasyon; sa katunayan, ito ang kayamanang ikamamatay ko siguro kung masira o mawala.
Sa photoshoot na ito, hinamon ko ang sarili ko na maging matapang at magpakadelusyonal. Halos dalawang taon na rin akong pumoporma nang maganda. Sa maraming kaso, ako ang tatawagin ng ilan na fabulous. Sa mga sarado ang isip, walang ibang itatawag sa akin kundi bayot. Ang manipis na guhit na naghihiwalay sa papuri at pamamahiyang ito ang landas na gusto kong tahakin ngayong taon bilang pagdiriwang ng Pride Month. Totoo, marami nang nakagawa nito. Pero hindi ko pa ito nagagawa.
Sa nakalipas na mga photoshoot, at kahit sa mga galaan, ginawa ko nang misyon ang kilanlin ang aking sarili sa pamamagitan ng mga moda sa pananamit o fashion. Minsan kung manamit ako ay talagang panlalaki, at basta’t di ako gagalaw ay iisipin mong wala akong anomang lamuymóy ng kabaklaan sa katawan. Madalas naman, nakapostura’t putok ang makeup ko. May mga panahon ding androgynous akong manamit. Kung baga’y papasang panlalaki at pambabae, lalo’t kung aahitin ko ang aking bigote na iniiwan ko dahil, una, bagay daw sa akin at, ikalawa, paalala sa tumitingin na bagama’t pulang-pula ang blush-on ay lalaki pa rin ako.
Sa photoshoot na ito, iniusog ko nang kaunti ang mga hangganan ng aking kahihiyan. Bukod sa kolorete, sinubok kong magpakita ng balat sa paraang mas karaniwan sa kababaihan. Walang konseptong nagtatagpi sa bawat kasuotan; isa lamang itong pagsubok sa aking kahihiyan. Lalo ngayo’t imbes na self-shoot ay talagang kumuha ako ng photographer.
Mahirap nga palang parangalan ang pagkamalikhain mo kapag bumubuo ito sa harap ng mga mata ng ibang tao, lalo na kung hindi ganoon katibay ang ugnayan ninyong dalawa. Sa buong proseso, medyo nahirapan akong ipakita sa lente ng kamera ang buong saklaw ng pagkamalikhain ko dahil pinangungunahan ako ng hiya. Sa tulong lamang ng magagaling na patnubay ng photographer kaya naging mas maganda ang mga kuhang larawang ito.
Sinasabing isang relasyon ang pagkamalikhain. Hindi ito nalalayo sa pakikipagsintahan sa isang minamahal. Ang Pagkamalikhain ay isang nilalang na lagi namang nariyan sa tabi. Panaka-naka ay bumubulong ito ng mga patnubay na aantig sa iyong puso. Nasa iyo ang karangalang bigyang-buhay ang mga bulong na ito. Subalit ang bawat desisyon mo ay may epekto sa Pagkamalikhain mo. Miyentras pinakikinggan, lalong dumadalas ang pagbulong nito. At habang dumadalas, lumalawak ang saklaw ng bawat bulong. At bawat bulong ay pinalalakas ng bawat pakikinig hanggang sa ang bulong ay isa nang pakikipagtalastasan sa iyong Pagkamalikhain. At ang talastasang ito, kapag lalong pinagtibay, ay nagiging mga tawanan, iyakan, hagulhulan, at pakikipagnasaan sa bawat konsepto at ideya. Sa sukdulan nito, hihiling ang Pagkamalikhain ng pakikipagtalik upang mabuo ang isang sanggol na sining na patunay ng matibay ninyong ugnayan.
Subalit di-gaya ng mga taong sanggol, madaling ikahiya ng magulang nito ang sanggol na Sining. Kaya naman dapat itong kunan ng larawan, ipagmayabang, at ipangalandakan. Dahil ang sanggol na Sining ay agad na natututong gumapang, lumakad, at tumakbo hanggang sa maghanap ito ng ibang magulang. At ang tampo ng isang Pagkamalikhaing inagawan ng anak ay mahirap suyuin; may panahong tumatakas ito at hindi na bumabalik pa.
Punô ng kahihiyan ang buhay ng isang bakla. Dahil kaiba sa itinuturing ng lipunan bilang tama, ang buhay ng isang queer ay matalinghaga. Mapaghimagsik na ang basta paglabas ng bahay nang
nagpapakatotoo ka sa iyong pagkakakilanlan. Aktibismo na ang magpakilala ka bilang tunay na kung sino ka. At gaya ng turing ng mga mamamayang Pilipino sa bawat aktibista, isa kang
kahihiyan. Bakit hindi na lang ninyo gawíng sumunod sa nakasanayan? Ano ang saysay na baguhin ang itinakda ng Diyos?
Ang puno’t dulo ng buhay ng isang queer ay kahihiyan, at walang ibang lunas dito kundi ang rebolusyonaryong pagpapasiya ukol sa radikal na pagmamahal sa sarili. At alinmang lunas, bagama’t nakagagamot, ay may halong pait. Kasama sa lunas sa kahihiyan ay ang pagsasailalim ng iyong sarili sa mga situwasyong magbibigay sa iyo ng kahihiyan. Ang tawag ng sikolohiya rito ay exposure therapy. Gawin ito nang sapat na ulit at kikintab ang iyong lawas na parang mga talulot ng bahaghari—makulay, mahiwaga, at lalong masinag sa pagtatapos ng malakas na pag-ulan.
I also serve visuals somewhere else.
Drag, make up, outfits, places, and moments. I post most of them on Instagram.