Rosas, Hiyas, at Perlas
Pagpaparangal sa pagkababae bilang makalangit na kaloob
Alam ko nang bading ako simula pa noong mga 8 o 9 years old ako; ang pamilya ko naman, baka mas matagal na nilang alam. Noong lumalaki ako, nakatingala na ako sa matatatag na mga babae sa buhay ko. Nagsimula ito kay Darna. Pagkatapos naging mga sangg’re mula sa Encantadia. Pagkatapos naging si Amaya at ang kanyang kambal-ahas. Pagkatapos naging si Lady Gaga nang magbinata na ako. At pagkatapos ay naging si Wanda Maximoff, ang Scarlet Witch. Pagkatapos ay naging mga matatatag na babaeng personal kong kilala. Binabagtas ng pagkaakit ko sa pagkababae amg buo kong buhay, at idinikta nito ang pagkatao ko sa higit sa isang paraan.
Noong ginagawa ko ang shoot na ito, gusto kong maging androgynous. Gusto kong magmukhang binabae nang hindi makukuwestiyon ang pagkalalake, di-tulad sa ginagawa sa akin. Gusto kong maging daluyan ng espiritu ng pagkababae bilang parangal sa lahat ng mga babae sa buhay ko, kapuwa habang lumalaki at ngayon. Gusto kong magmukhang banal at makalangit. Gusto kong magmukhang maalamat. Gusto kong magmukhang espirituwal. Gusto kong mag mukhang mas.
Nakikita ang pula bilang pambabae, kaya ito ang ginamit kong pangunahing kulay para sa shoot na ito. Siguro nga, mas pambabae ang pink, pero mas matapang na pink ang pula, kung gets ninyo. Gusto kong sundan ng shoot na ito ang nakalipas na shoot, na kulay rosas naman ang tema. Kung baga, ito ang The Fame Monster sa The Fame ng nakaraang shoot, o ang reputation sa Lover ng isa, ang buwan sa araw ng nakaraan, o ang ahas sa tahanan ng kabila.
Pinag-isipan ko kung sino ang gusto kong ipasipat sa kamera. Inisip ko kung gusto ko bang lumikha ng isang katauhang iba sa kung sino ako, o kung gusto ko bang ipakita ang sarili ko sa buong kalikasan nito. Pero pareho pala. Isang baluktot na aninag ng pagkatao ko ang nahagip ng lente. Hindi ako ang mga larawang ito, pero ako rin, tulad sa kung paanong ipinapakita ng isang diyamante ang nasa likod nito sa silahis ng iba’t ibang kulay. Lahat ng ito ay ako, subalit katha rin sila ng isip. Totoo siya, ngunit gawa-gawa. Kapuwa siya isang sariwang isda mula sa dagat, ngunit inasinan at inihaw sa apoy. Ang pagkakakilanlan ay tunay, subalit pawang nasa isip ko lamang. Siya ay isang taong naging ako, ngunit wala nang makakikilala—sapagkat wala na siya.
Ang nagpasigla sa mga ayos na ito ay ang kagustuhang iugnay ang sinaunang espirituwalidad sa pagkabinabae. Bago sinakop ang Pilipinas, sinasabing malalakas ang mga binabae kung sila ay magiging mga babaylan, mga manggagaway na nagsilbing giya at tagapagpagaling sa mga pamayanan. Nagbigay din sila ng mahahalagang kaalaman tungkol sa mahiwaga para sa mga pinuno ng komunidad na naghahanap ng gabay sa kung paano pangungunahan ang kanilang bayan. Para sa mga babaylan bago ang panahon ng pananakop, malalakas na manggagaway ang mga binabae dahil nakaugnay sila sa lalakihín at babaehíng puwersa ng kalikasan.
Mga espiritung pangkalikasan naman ang mga diwata na gumabay at nagparusa sa mga bayan. Umiiral sila kapuwa sa materyal at espirituwal na mundo. Sinamba sila, kinatakutan, at iginalang. Sa modernong panahon, karaniwan nang tumutukoy ang salitang ito sa mga babaeng nilalang ng kalikasan, pero sa maraming kultura, tumutukoy din ang salitang ito sa mga espiritu sa pangkalahatan, lalo na sa animismo. Bahagyang batay sa mga diwata ang mga larawan dito, anupat inaari at pinadadaloy ang kanilang babaehíng enerhiya.
Isa pang maalamat na nilalang mula sa mitolohiyang Pilipino ang bakunawa. Isa itong malaahas na dragon na sinasabing namumuhay sa mga karagatan, ngunit pinaniniwalaan din sa ibang mga kultura na namumuhay sa mundo ng mga patay o sa himpapawid. Malapít ang ugnayan ng bakunawa at mga babaylan dahil ginagamit ang bakunawa sa panggagaway sa lupa (geomancy), isang panggagaway na gumagamit ng buhangin, mga bato, at buhaghag na lupa. Pinaniniwalaang nilamon ng bakunawa ang anim sa pitong buwan ng daigdig, at ang mga eklipse ay sinasabing mga pagtatangka ng bakunawa na lamunin ang ikapito at panghuling buwan. Nagkataon na nagmukhang balat ng ahas ang pang-itaas kong suot sa ilalim ng bulaklaking jaket, at nang matunghayan ko ang mga larawang ito, binuntalan ako ng isang liwanag: tinititigan ako sa mata ng isang bakunawa.
Mula nang magladlad ako, lalo akong napalapít sa babaehíng enerhiya. Siguro ay dahil na rin ito sa haba ng mga taóng nangulila ang katawan ko para sa isang kalayaang hindi pa akin. Para ipagsanggalang ang sarili ko, sinubukan ko (at paulit-ulit akong nabigo) na itago ang pagkababae ko. Pero ang totoo, nilikha tayo sa larawan ng banal, na ang lakas kapuwa lalakihín at babaehín ay malayang dumadaloy sa palibot at paroon. Naniniwala akong pilit nating sinusugpo ang pagkababae para sa lalaki, at ang pagkalalaki para sa babae, anupat ginugulo natin at pinapatay at inaalipusta at ginagawan ng kontra-batas ang lahat ng mga tumataliwas sa nakasanayan.
Nangangamatay ang mga kapatid ko sa komunidad. Sila ay mga taong may matalinong kaisipan at malalakas na malikhaing kapangyarihan, at pinapatay sila, sa katawan, sa isip, at sa damdamin. Isang protesta ang Pride March para makinig ang mga pamahalaan, nang sumunod silang ipagtanggol tayo mula sa mga kaayusang nakalagay upang subukang saktan tayo. Ang Pride March ay isa ring pagdiriwang, nang marinig naman ng lipunan na tayo ay mga buong tao rin, hindi nalalayo sa kanila o sa iyo, mga taong may buong buhay, damdamin, kaisipan, at opinyon—mga taong may bilang.
I also serve visuals somewhere else.
Drag, make up, outfits, places, and moments. I post most of them on Instagram.