Pulang Butas sa Kamisang Dilaw
Minsan kang sinintang pagkataas-taas. Minsan kang itinanging patron, ako ang siya mong deboto. Ikaw sa lahat ang pintakasi, ang ugong ng dila sa bawat tibok nitong dibdib. Ikaw sa akin ay Diyos na nakapangyayari—sa wika mo ako’y iniibig, subalit waring naglalaho, lagi kang malayo, at sa bawat panalangin ay tila walang nakikinig.
Ang mga simulain mo ay isang toreng garing. Labis na iniakyat sa pook ng bulubundukin. Lagi kitang tinitingala mula sa Maynila, dahil sa taas mo tanaw ka hanggang sa kabila. Hindi na kita naiintindihan sapagkat ang isip mo’y malalim pa sa kaya kong arukin. Ikaw ang puso’t isipan, ang tanglaw sa gabing madilim.
Bilang Diyos na sinasamba, sunod ka sa bawat nais. Palagian kung maghain, patuloy kang mamahalin. Hanggang sa isang araw, itinanghal mo akong Cain; pumili ka ng Abel mong kagigiliwan. Labis ang sakit sa pusong binutas ng tinik sa rosas ng pag-ibig. Subalit sa takbuhin ako ay nagpatuloy habang nangangakong hindi na mananalangin sa tinitingala kong Diyos na kitlin ang buhay ko.
Pinilit kitang kalimutan at sinubukang iwaksi ang bawat hibla ng alaalang nananatili sa bawat selula ng utak ko. Sa kalakhang bahagi, nagtatagumpay ako. Ngunit hindi mawawala ang kagalakang sa akin ay idinulot mo. Sa isang mahanging talampas, payapa akong nanginginain. Sugatáng tupa’t sinuwag ng kambing, ako itong taong may sakit na para bang sumabak sa pakikibakang walang laban sa sandatahang lakas ng Babilonya.
Ang gabi malaon ding nagtapos nang muli mo akong sikatan ng iyong yapos. Ang bituing sa langit ay nagpakinang ay hinawi ng liwanag ng iyong kagandahan. Muli kang tinanggap ngayong tahi ng hiwa sa tagiliran ay naghilom na. Handa nang muling sumugal dahil sabi mo, ako na.
Sa iyo ang tanging alay ay kamisang dilaw sapagkat ikaw ang araw na liwanag sa landas at tanglaw ko sa bawat liwanag. Ikaw ang inilagay sa pedestal dahil ikaw lang ang nag-iisang ikaw.
Subalit ang sikat ay agad na naglaho nang sabihin kong humanap ka ng ibang sasamba sa iyo. Mali ako. Tanga ako. Ang takot ko lang naman ay ang minsan pang iwan mo. Isang pader ang nagtayo ng kaniyang sarili upang pigilan kang lumapit at wag nang magpakita.
Ang eklipseng ito ay nagtagal, kahit tanghaling tapat ang luntiang talampas ay nangangatog sa lamig. Kaya’t muling inakyat ang taluktok ng Olympus para makita ka at makausap. Buong gabing nanahanan sa sementong lupa at kongkretong papag hanggang sa wakas ay sumuko dahil ang araw at buwang magkasama ay lumubog na sa kanluran.
Suot ko noon ang dilaw na kamisa. Dalawa ang kinuha, sa iyo ang isa. Tinahak kong marahan ang baku-bakong daan pababa sa bundok. Blangko ang mukha pati na ang isipan. Hindi ka nakita. Wala ka.
Sa prosang ito, alamin mong ikaw ang minsan kong sinamba. Ikaw ang minsan kong itinangi. Ikaw ang santo kong pinintakasi. Isa kang Diyos sa aking mata. Walang ibang nais kundi mapaglingkuran ka. Ngunit sa templo mo, dalawang ulit mo akong pinalayas, inalis, at pinahiyâ.
Muli akong magtutuloy sa paglakad. Lagi kitang nasa puso subalit mahalaga ako sa sarili ko. Ang unang beses ay madadala ng dugo ng barakong tupa sa Araw ng Pagbabayad-Sala, subalit ang ikalawang ulit ay isang patotoo ng iyong pagwawalang-halaga. Sa panahon kung kailan lahat ay naibigay ko na—puso, isip, lakas, buong pagkatao—magtitira ako para sa sarili ko. Kung ayaw mo na, wala akong magagawa. Walang silbi ang pagiging makatâ at pagsulat ng maraming akda kung ang paksa nito ay isang taong hindi na nakaaalaala. Siguro’y maghahanap na lang ng sarili kong lupang pangako. Sa paglalakbay ko, siguro ay masusumpungan ko ang isang lupaing inaagasan ng gatas at pulot-pukyutan—isang lupain kung saan ang tamis ay hindi napapalitan ng pait, at lahat ng sugat ay naghihilom nang mabilis.