Ang Resignation Ko Bilang Sepultorero
Isang orihinal na akda ni Francis Rubio
Hindi na ako takot sa kaluluwa at espiritu. Kahit sa mga bayolenteng multo, hindi na ako nanginginig. Narinig ko na ang kuwento ng mahigit pitong libong kalansay na nakabaon sa lupa ng sementeryong ito. At walang dapat katakutan sa mga ito. Maliban sa mangilan-ngilang dapat na talagang mamatay, ang mga bangkay ay dating katawang ginagamit ng mga ordinaryong tao—mga taong may pangarap, damdamin, pamilya, kaibigan, at buhay. Mga taong gaya ko ring nangarap, nagdusa, naglakbay, at umibig.
Hindi na rin ako takot magtrabaho bilang sepultorero. Payapa at tahimik sa sementeryo, at gustong-gusto ng mga multo na makitang nililinis ang mga puntod nila. Mas gusto sana nila na pamilya ang gagawa nito sa kanila, pero para sa marami, mga patay na silang nakalimutan ng mga minamahal nilang nagpatuloy sa buhay pagkatapos nilang mamatay. Kaya naman malaking tuwa ang hatid ko sa kanila sa bawat hampas ng panggapas ng ligaw na damo, at marami sa kanila ang nagpapasalamat kapag nakita nilang pumuputi nang muli ang marmol ng lapidang may pangalan nila.
Sa maraming puntod, isa ang binabalik-balikan ko: ang puntod ni Joseph Cainta. Sa unang araw ko bilang sepultorero, ito ang unang puntod na nilinis ko. Kalilibing lang isang linggo bago ako mag-umpisang magtrabaho. Siguro patuloy kong binabalik-balikan ang puntod na ito dahil pumalaot na ang nakalibing dito. Sabi ni Soledad Garcia na multo sa kabilang kanto at espiritista nang nabubuhay pa, ang mapapayapang espiritu ay pumapalaot sa Ilog kung tanggap na nila ang kapalaran nila. Tahimik ang bahaging ito ng sementeryo. Walang pumapalakpak sa bawat pagaspas ng walis tingting sa damo. Wala ring hanging banayad na pumapatay sa apoy ng kandilang sinisindihan ko. Tunay na hungkag at wala nang laman ang puntod na ito.
Sa nakalipas na mga taon, walang bumibisita sa puntod na ito. At kahit nakalulungkot kung ako ang multo, natutuwa ako sapagkat naging kaibigan ko na ang lapidang ito. At makasarili na kung tutuusin, subalit malaki ang pasalamat kong hindi na bumabalik ang pamilya rito. Sa maliit na paraan, tila inari ko na ang dakong ito, na para bang ako at ang lupang ito ay iisa.
Mayo 22. Ang araw ng kaniyang kamatayan. At ang araw din ng kaniyang pagbalik.
Muling binisita si Joseph ng kaniyang mga magulang, kasama ang kaniyang pinakamatalik na kaibigan, si Danielle. Naabutan nila akong nililinis ang puntod ni Joseph, gaya ng lagi kong ginagawa tuwing alas-tres ng hapon.
“Kuya, may bayad ba ’yan?” tanong ng ina ni Joseph, tinutukoy ang ginagawa kong paglilinis.
“Wala po ma’am, libre ’to,” sagot ko. Ang totoo, may bayad ang paglilinis ng puntod. Pero libre kong ginagawa ito para kay Joseph.
“Salamat, kami na ang magtutuloy,” sagot ng ama.
Umupo ako sa lilim ng puno ilang metro ang layo mula kay Joseph. Tanaw ko ang bawat kislap ng kandilang kanilang sinisindihan, at ang pagkaing alay nila sa puntod ni Joseph. Ako rin naman ang kakain niyan mamaya dahil sayang lang kung mapapanis. At gusto ring makita ng mga multo ang hitsura, at gusto rin nilang malaman kung ano ang lasa.
“Nandito ka pa rin?” bati ni Danielle. Sinagot ko lamang siya ng ngiti.
“Akala ko di ka tatagal dito eh,” pagpapatuloy niya.
Hinayaan ko lamang na manaig ang katahimikan, at nagdasal na sana’y ilayo si Danielle mula sa akin ng pagaspas ng mga dahon ng Narrang sinisilungan namin.
Pero ako pala ang hindi makatiis.
“Limang taon na,” sabi ko.
“Oo, Peter,” sagot niya
“Huhukayin na si Joseph.”
“Ike-cremate daw sabi ni Tito,” sabi ni Danielle.
Niyapos ng banayad na ihip ng hanging pampasko ang sementeryo, at nilulon ng tahimik ang paligid.
“Alam mo ba kung bakit limang taon lang ang tagal ng mga bangkay dito?” sabi ko.
“Kasi mauubusan ng lupang paglilibingan,” sagot ni Danielle. “Pagkatapos kasi ng limang taon, tuyo na ang mga buto at wala nang amoy kaya puwede nang hukaying muli.”
“Mali.”
Napatingin sa akin si Danielle, naghihintay ng susunod kong sasabihin.
“Bumabalik kasi sila sa ikalimang taon,” sabi ko. Napabuntong-hininga si Danielle, tila sinasabing isa itong malaking kalokohan. Subalit totoo ito, at bilang sepulturero, nakikita ko ang pagbabalik ng mga multo. Kaya’t nagpatuloy ako.
“Kung sa pagbabalik ng kanilang espiritu ay makita nilang naririto pa ang katawan nila, hindi na nila muling gugustuhing bumalik sa kabilang-buhay, at mananatili sila ritong kasama natin.”
“Nakita mo ba siya?” tanong ni Danielle. “Si Joseph. Nakita mo ba siya?”
“Pumalaot na siya sa Ilog,” sagot ko.
“Hindi na siya babalik Peter,” sagot ni Danielle. “Tingnan mo ang sarili mo. Sinayang mo ang buhay mo para maglinis ng sementeryo. Sa tingin mo ba ito ang gusto ni Joseph para sa iyo?”
Walang lungkot at pasakit na bumalot sa akin sa araw ng Mayo 22 limang taon na ang nakalipas. “Dito, malaya kami at masaya. Walang salita, walang tingin, at walang kutya ang makapapasok sa aming walang hanggan. Kaming dalawa lang.”
“Pero wala siya rito,” sabi ni Danielle. “Pumalaot na siya ’di ba?”
Gusto kong ipilit na babalik siya, subalit hindi ko siya kailangang kumbinsihin.
“Bumalik ka na, Peter,” sabi ni Danielle. “Malaya na si Joseph. Palayain mo na rin ang sarili mo.”
Bumalik si Danielle sa magulang ni Joseph. Hatid ko sa kanila ang balita ng muling paghukay, at ang pagpapasya ng pamilya kung babawiin nila ang kalansay, o amin itong ihahagis sa Bangin, ang tunay na huling hantungan.
Lumipas ang isang linggo at hinukay na ang bangkay. Isang koleksyon ng mahigit dalawang daang tuyong buto. Isang paalaala tungkol sa isang taong minsang nabuhay, subalit lumipas na ngayon. Isang relikya para sa pag-ibig, galit, tampo, ngiti, at galak na dinanas ng isang Joseph Cainta sa mundong ito. Isang hungkag na patotoo sa walang halagang buhay ng isang tao.
“Pakiusap, bumalik ka,” tahimik kong bulong habang hinuhukay ko ang mga buto ni Joseph.
Buong araw akong naghintay. Patuloy akong nakaabang sa bawat ihip ng hangin, kislap ng liwanag, tunog at huni, at kahit amoy ng sampaguita o nasusunog na kandila. Natapos ang araw nang hindi ko siya nakita.
Lumapit ako sa mga multo. Subalit sa lahat ng dako ng sementeryo, silang lahat ay naglaho. Natakot ako na walang multo. Nawala silang lahat. Nawala sila nang walang pasabi. Naglaho ang mga kaibigan ko. Hinanap ko sila nang isang buong linggo. Subalit tulad ni Joseph, hindi ko na sila makita.
“Magre-resign na po ako,” sabi ko sa amo ko.
“Hindi mo siya nakita?” tanong ng amo ko.
Umiling lang ako. At pagkatapos ay may tumulong luha. At pagkatapos ay humikbi. At pagkatapos ay tumangis. Natapos ang limang taon nang hindi ko siya nakita.
Ipinasa ko ang liham ng pag-alis sa aking amo. Sa halip na pirma, tatlong tulo ng luha ang patotoo.
Agad akong umalis sa opisina. Patuloy akong naglakad papunta sa labasan. Hindi na ako tumigil, at hindi na ako lumingo’t ipinagdiwang ang ikalawang kamatayan. Patuloy akong naglakad pasilangan. Sinalubong ako ng liwanag ng alas-otsong araw.